Amang Makapangyarihan,
inakay Mo ang Iyong bayan galing sa Ehipto,
mula sa pagkaalipin tungo sa kalayaan.
Sa pamamagitan ng iyong Anak na si Hesus,
inakay mo kami mula kamatayan tungo sa buhay
sa kanyang Misteryo Paskwal
at kaloob na Espiritu Santo.
Nagpapakumbaba kaming lumalapit sa Iyo,
nagtitiwala sa Iyong pangakong hilumin ang aming bayan.
Iunat Mong muli ang Iyong makapangyarihang kamay
at akayin kami sa panahong ito ng krisis, alitan, at pagkalito.
Magningning nawa ang katotohanan,
tulad ng haliging ulap sa araw
at haliging apoy sa gabi,
upang tanglawan kami sa landas
tungo sa pagkakaisa at kapayapaan.
Umagos nawa ang katarungan,
tulad ng tubig na bumukal mula sa bato,
upang pawiin ang uhaw ng mga naghahangad ng hustisya,
linisin ang mga sugat,
at buksan ang
daan tungo sa paghilom at pagkakasundo.
Pinakain Mo sila ng mana sa ilang,
busugin Mo ang aming pagkagutom sa katarungan,
upang hindi na kami magnasa ng kapangyarihan,
kayamanan, at pansariling pakinabang.
Palambutin mo ang pusong matitigas tulad ng sa Paraon,
at buksan ang mga matang binulag ng kasakiman,
upang manaig ang tunay na pagmamahal sa bayan
higit sa anumang alyansang pampulitika o pansariling interes.
Turuan Mo kaming makita ang isa't isa,
hindi bilang kakampi o kaaway,
kundi bilang magkakapatid sa Iyo.
Nawa ang Taon ng Hubileyo ay magtulak sa amin
upang maglakbay bilang isang bayan.
Ito nawa ang aming maging Paskwa, ang aming pagtawid:
mula sa kasinungalingan tungo sa katotohanan,
mula sa karuwagan tungo sa katapangan,
mula sa kawalan ng katarungan tungo sa katuwiran,
mula sa pagkakawatak-watak tungo sa pagkakaisa,
mula sa panghihina ng loob tungo sa pag-asa,
mula sa pagiging makasarili tungo sa tunay na pag-ibig.
Sa panahong ito ng pananariwa,
matuklasan nawa naming muli
ang aming kadakilaan bilang isang bansa
at ang aming dangal bilang isang bayang
iniibig Mo nang lubos.
Hinihiling namin ito sa pangalan ni Hesus,
ang aming Korderong inialay,
na gumagabay sa amin sa pamamagitan ng Krus
mula sa kamatayan tungo sa bagong buhay.
Amen.
Mahal na Birhen ng Kapayapaan, ipanalangin mo kami.
San Miguel, Arkanghel, ipanalangin mo kami.
0 Comments