Sabado ng Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (II) | Pebrero 19, 2022



UNANG PAGBASA

Pagbasa mula sa sulat ni Apostol Santiago (Santiago 3, 1-10)

Mga kapatid, huwag maghangad na maging guro ang marami sa inyo yamang alam ninyo na tayong mga nagtuturo ay hahatulan nang mahigpit kaysa iba. Tayong lahat ay malimit magkamali. Ang sinumang hindi nagkakamali sa kanyang pananalita ay isang taong ganap, at marunong magpigil sa sarili. Kapag nilagyan ng bokado ang bibig ng kabayo, ito’y napasusunod at napapupunta saan man natin ibig. Gayun din ang barko. Bagamat ito’y napakalaki at itinutulak ng malalakas na hangin, naibabaling ito sa pamamagitan ng isang napakaliit na timon saanman ibigin ng piloto. Ganyan din ang dila ng tao. Kay liit-liit na bahagi ng katawan ngunit malaki ang nalilikhang kayabangan.

Isipin na lamang ninyo! Napalalagablab ng isang maliit na apoy ang isang malawak na kagubatan. Ang dila ay isa ngang apoy, isang daigdig ng kasamaang nakakahawa sa ating buong katawan. Mula sa impiyerno ang apoy nito at pinapag-aapoy ang lahat sa buhay ng tao. Lahat ng uri ng ibon at hayop na lumalakad o gumagapang o nakatira sa tubig ay kayang supilin at talagang nasusupil ng tao. Ngunit walang makasupil sa dila. Ito’y napakasama at walang tigil, puno ng kamandag na nakamamatay. Ito ang ginagamit natin sa pagpupuri sa ating Panginoon at Ama, at ito rin ang ginagamit natin sa pag-alimura sa tao na nilalang na kalarawan ng Diyos. Sa iisang bibig nanggagaling ang pagpupuri’t pag-alimura. Hindi ito dapat mangyari, mga kapatid.



SALMONG TUGUNAN

Poon, kami’y ‘yong ingatan, h’wag mo kaming pabayaan. (Salmo 11, 2-3. 4-5. 7-8)

Ako, O Poon iligtas mo sana!
Mabubuting tao ngayon ay wala na,
wala nang matapat ngayong makikita;
Pawang sinungaling sa isa’t isa,
pakunwaring lahat ang salita nila.

Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.

Patigilin mo madaldal na dila,
at sarhan ang bibig ng hambog magwika;
yaong palagi nang ang sinasalita’y,
“kami’y magsasabi niyong aming nasa’t
sinong mag-uutos sa amin, sino nga?”

Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.

Pangako mo, Poon, ay maaasahan,
ang nakakatulad ay pilak na lantay;
tinunaw sa hurno, matapos mahukay
pitong beses ito na pinadalisay.
Kami, O Poon, lagi mong ingatan,
sa ganitong lahi huwag pabayaan.

Poon, kami’y ‘yong ingatan,
h’wag mo kaming pabayaan.



MABUTING BALITA

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos (Marcos 9, 2-13)

Noong panahong iyon, umakyat si Hesus sa isang mataas na bundok. Wala siyang isinama kundi sina Pedro, Santiago at Juan. Samantalang sila’y naroon, nakita nilang nagbagong-anyo si Hesus, nagningning ang kanyang kasuutan na naging puting-puti, anupat walang sinumang makapagpapaputi nang gayun. At nakita ng tatlong alagad si Moises at si Elias, na nakikipag-usap kay Hesus. Sinabi ni Pedro kay Hesus, “Guro, mabuti pa’y dumito na tayo. Gagawa po kami ng tatlong kubol: isa sa inyo, isa kay Moises at isa kay Elias.” Hindi nalalaman ni Pedro ang kanyang sinasabi sapagkat masyado ang takot niya at ng kanyang mga kasama. At nililiman sila ng isang alapaap at mula rito’y may tinig na nagsabi, “Ito ang minamahal kong Anak. Pakinggan ninyo siya!” Pagdaka, tumingin ang mga alagad sa paligid nila at nakitang wala na silang kasama roon kundi si Hesus.

Habang bumababa sila sa bundok ay mahigpit na itinagubilin sa kanila ni Hesus: “Huwag ninyong sasabihin kaninuman ang inyong nakita hangga’t hindi muling nabubuhay ang Anak ng Tao.” Sinunod nila ang tagubiling ito, ngunit sila-sila’y nagtanungan kung ano ang kahulugan ng sinabi niyang muling pagkabuhay. At tinanong nila si Hesus, “Bakit po sinasabi ng mga eskriba na dapat munang pumarito si Elias?” Tumugon siya, “Paririto nga si Elias upang ihanda ang lahat ng bagay. Kung gayo’y bakit sinasabi ng Kasulatan na ang Anak ng Tao’y hahamakin at magtitiis ng maraming hirap? Sinasabi ko sa inyo na pumarito na si Elias, at ginawa sa kanya ng mga tao ang gusto nila, ayon sa sinasabi ng Kasulatan tungkol sa kanya.”



Post a Comment

0 Comments