UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel (1 Samuel 9, 1-4. 17-19; 10, 1a)
Sa lipi ni Benjamin ay may isang mayamang lalaki na ang pangala’y Cis. Siya’y anak ni Abiel at apo ni Zeror na anak ni Becorat at apo naman ni Afia. Mayroon siyang anak na ang pangala’y Saul na nasa kanyang kabataan. Ito ang pinakamakisig at pinakamatangkad sa buong Israel.
Minsan, nawala ang mga asno ni Cis. Kaya, inutusan niya si Saul na magsama ng isang katulong at hanapin ang mga asno. Hinalughog nila ang kaburulan ng Efraim at ang lupain ng Salisa ngunit wala silang nakita isa man. Nagtuloy sila sa Saalim ngunit wala rin. Nagtuloy sila sa Benjamin, wala rin silang makita.
Nang dumating si Saul, sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Iyan ang lalaking sinasabi ko sa iyo na maghahari sa Israel. Pahiran mo siya ng langis at italagang hari ng Israel. Siya ang magtatanggol sa mga Israelita laban sa mga Filisteo. Naaawa na ako sa nakikita kong paghihirap ng aking bayan.”
Lumapit si Saul kay Samuel at nagtanong, “Saan po kaya makikita ang manghuhula?”
Sumagot si Samuel, “Ako ang manghuhula. Sumama ka sa akin sa altar sa burol at magsasalo tayo sa pagkain. Sa umaga ka na lumakad pagkatapos kong sabihin sa iyo ang gusto mong malaman.”
Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binusan kita ng langis ng Panginoon upang maging hari ng Israel. Pamamahalaan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway.”
SALMONG TUGUNAN
Poon, ang bigay mong lakas, sa hari’y nagpapagalak. (Salmo 20, 2-3. 4-5. 6-7)
Nagagalak ang hari,
O Poon, dahilan sa lakas mong bigay,
siya’y nagagalak sa kanyang tagumpay.
Binigyan mo siya
ng lahat ng kanyang mga kailangan,
at iyong dininig, kayang kahilingan.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
Dinalaw mo siya
na ang iyong taglay ay gintong korona,
iyong pinagpala’t pinutungan siya.
Hiling niya’y buhay
at iyon ang iyong ipinagkaloob,
buhay na mahaba’t walang pagkatapos.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
At naging dakila,
pinadakila mo nang iyong tulungan,
naging bantog siya’t makapangyarihan.
Iyong pinagpala
ng pagpapala mong walang katapusan,
nagagalak siya sa iyong patnubay.
Poon, ang bigay mong lakas,
sa hari’y nagpapagalak.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos (Marcos 2, 13-17)
Noong panahong iyon, muling pumunta si Hesus sa baybayin ng Lawa ng Galilea. Sinundan siya ng napakaraming tao, at sila’y tinuruan niya. Nagpatuloy siya ng paglakad at nakita niya si Levi na anak ni Alfeo, nakaupo sa paningilan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Hesus, “Sumunod ka sa akin.” Tumindig naman si Levi at sumunod.
Nang si Hesus at ang kanyang mga alagad ay kumakain sa bahay ni Levi, nakisalo sa kanila ang maraming publikano at mga makasalanang sumunod sa kanya. Nakita ito ng ilang eskribang kabilang sa pangkat ng mga Pariseo at tinanong nila ang kanyang mga alagad, “Bakit siya sumasalo sa mga publikano at sa mga makasalanan?” Narinig ito ni Hesus, at siya ay sumagot, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit, kundi ang maysakit. Naparito ako upang tawagin ang mga makasalanan, hindi ang mga banal.”
0 Comments