UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa ikalawang aklat ni Samuel (2 Samuel 11, 1-4a. 5-10a. 13-17)
Nang magtagsibol, panahong angkop sa digmaan, pinalabas ni David ang buong hukbo ng Israel. Sa pangunguna ni Joab at ng iba pang mga pinuno, pinuksa nila ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Si David ay nagpaiwan na sa Jerusalem.
Isang hapon, natulog si David. Nang siya’y magising, umakyat siya sa bubungan ng palasyo at naglakad-lakad. Mula roon, may natanaw siyang magandang babaing naliligo. Ipinagtanong niya kung sino iyon. Sinabi sa kanya na iyo’y si Bat-seba, anak ni Eliam at asawa ng Heteong si Urias. Ipinakuha niya si Bat-seba. Sinipingan siya ni David, at pinauwi pagkatapos. Dahil sa nangyaring ito, si Bat-seba ay naglihi, kaya’t ipinasabi niya ito kay David.
Inutusan agad ni David si Joab na dalhin sa kanya si Urias. Nang dumating ito, tinanong siya ni David, “Kumusta si Joab at ang hukbo? Ano ang lagay ng labanan?” Sinabi pa niya kay Urias, “Umuwi ka na at magpahinga pagkat nanggaling ka sa malayong paglalakbay.” Lumakad na si Urias. Ang hari ay nagpadala pa ng alaala sa tahanan nito. Ngunit hindi pala siya nagtuloy sa kanila. Doon na siya natulog sa may tarangkahan ng palasyo, kasama ng mga bantay. Nalaman ito ni David.
Kinabukasan, inanyayahan ni David sa pagkain si Urias at ito’y kanyang nilasing. Hindi rin ito umuwi nang gabing iyon, bagkus natulog na kasama rin ng mga bantay.
Kinabukasan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias. Ganito ang nasasaad: “Isubo mo si Urias sa mga kaaway na mabangis. Pagkatapos, umurong ka at bayaan mo siyang mapatay.” Nagmanman si Joab sa lungsod na kanilang kinukubkob at sa gawing mababangis ang kaaway, doon nga niya itinapat si Urias. Lumabas ang mga kaaway mula sa lungsod, at sinalakay ang mga kawal ni Joab. Napatay ang ilang pinuno ni David, kasama si Urias.
SALMONG TUGUNAN
Poon, iyong kaawaan kaming sa ‘yo’y nagsisuway. (Salmo 50, 3-4. 5-6a. 6bk-7. 10-11)
Ako’y kaawaan, O mahal kong Diyos,
sang-ayon sa iyong kagandahang-loob
mga kasalanan ko’y iyong pawiin,
ayon din sa iyong pag-ibig sa akin!
Linisin mo sana ang aking karumhan
at ipatawad mo yaring kasalanan!
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Ang pagsalansang ko ay kinikilala,
laging nasa isip ko at alaala.
Sa iyo lang ako nagkasalang tunay,
at ang nagawa ko’y di mo nagustuhan.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Kaya may matuwid ka na ako’y hatulan,
marapat na ako’y iyong parusahan.
Ako’y masama na buhat nang iluwal,
makasalanan na nang ako’y isilang.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
Sa galak at tuwa ako ay puspusin;
at muling babalik ang galak sa akin.
Ang kasalanan ko’y iyo nang limutin,
lahat kong nagawang masama’y pawiin.
Poon, iyong kaawaan
kaming sa ‘yo’y nagsisuway.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos (Marcos 4, 26-34)
Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus sa mga tao, “Ang paghahari ng Diyos ay maitutulad sa isang naghahasik ng binhi sa kanyang bukid. Pagkatapos niyon, magpapatuloy siya sa kanyang pang-araw-araw na gawain; tutubo at lalago ang binhi nang hindi niya nalalaman kung paano. Ang lupa’y siyang nagpapasibol at nagpapabunga sa mga pananim: usbong muna, saka uhay na pagkatapos ay mahihitik sa mga butil. Pagkahinog ng mga butil, agad itong ipagagapas sapagkat dapat nang anihin.”
“Sa ano natin ihahambing ang paghahari ng Diyos?” sabi pa ni Hesus. “Anong talinghaga ang gagamitin natin upang ilarawan ito? Tulad ito ng butil ng mustasa na siyang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Kapag natanim na at lumago, ito’y nagiging pinakamalaki sa lahat ng puno ng gulay; nagkakasanga ito nang malalabay, anupat ang mga ibon ay nakapamumugad sa mga sanga nito.”
Ang Salita’y ipinangaral ni Hesus sa kanila sa pamamagitan ng maraming talinghagang tulad nito, ayon sa makakaya ng kanilang pang-unawa. Hindi siya nangaral sa kanila nang hindi gumagamit ng talinghaga; ngunit ipinaliwanag niya nang sarilinan sa kanyang mga alagad ang lahat ng bagay.
0 Comments