UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel (1 Samuel 3, 1-10. 19-20)
Noong mga araw na iyon, si Samuel ay patuloy na naglilingkod sa Panginoon. Nang panahong yaon, bihira nang marinig ang tinig ng Panginoon at bihira na rin ang mga pangitain. Malabo na noon ang mata ni Eli. Minsan, namamahinga siya sa kanyang higaan. Si Samuel nama’y natutulog sa Templo, sa may Kaban ng Tipan. Nang magmamadaling-araw na, siya’y tinawag ng Panginoon, “Samuel, Samuel!”
“Po,” sagot niya. Patakbo siyang lumapit kay Eli at sinabi, “Bakit po?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag. Mahiga ka na uli.” Nagbalik nga siya sa kanyang higaan.
Tinawag siya uli ng Panginoon. Bumangon siya, lumapit kay Eli at itinanong, “Tinatawag po ba ninyo ako?”
Sinabi ni Eli, “Hindi kita tinatawag, anak. Mahiga ka na uli.” Hindi pa kilala ni Samuel ang Panginoon sapagkat hindi pa siya kinakausap nito.
Sa ikatlong beses na tawagin siya, lumapit uli siya kay Eli at sinabi, “Narinig ko pong tinatawag ninyo ako.”
Naisip ni Eli na ang Panginoon ang tumatawag kay Samuel, kaya sinabi niya, “Sige, mahiga ka uli. Kapag narinig mo pang tinawag ka, ganito ang sabihin mo: ‘Magsalita po kayo, Panginoon. Nakikinig po ang inyong lingkod.’” At muling nahiga si Samuel. Ang Panginoon ay lumapit kay Samuel at tinawag ito.
Sumagot si Samuel, “Magsalita po kayo, nakikinig ang inyong lingkod.”
Habang lumalaki si Samuel, patuloy siyang pinapatnubayan ng Panginoon, at nagkakatotoo ang lahat ng sinasabi niya. Dahil dito, kinilala ng buong Israel, mula sa Dan hanggang sa Beerseba, na si Samuel ay isang tunay na propeta ng Panginoon.
SALMONG TUGUNAN
Handa akong naririto upang sundin ang loob mo. (Salmo 39, 2 at 5. 7-8a. 8b-9. 10)
Ako ay naghintay sa ‘king Panginoon,
at dininig niya ang aking pagtaghoy.
Mapalad ang taong may tiwala sa Diyos
at sa diyus-diyosa’y hindi dumudulog;
hindi sumasama sa nananambahan,
sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang mga panghandog, pati mga hain,
at mga hayop na handang sunugin
Hindi mo na ibig sa dambana dalhin,
upang yaong sala’y iyong patawarin;
sa halip, ang iyong kaloob sa akin
ay ang pandinig ko upang ika’y dinggin.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Kaya ang tugon ko, “Ako’y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi’y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
Ang pagliligtas mo’y aking inihayag
saanman magtipon ang ‘yong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
Handa akong naririto
upang sundin ang loob mo.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos (Marcos 1, 29-39)
Noong panahong iyon, mula sa sinagoga, si Hesus ay nagtuloy sa bahay nina Simon at Andres. Kasama niya sina Santiago at Juan. Nararatay noon ang biyenan ni Simon Pedro, dahil sa matinding lagnat, at ito’y agad nilang sinabi kay Hesus. Nilapitan ni Hesus ang babae, hinawakan sa kamay at ibinangon. Noon di’y inibsan ito ng lagnat at naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, dinala kay Hesus ang lahat ng maysakit at ang mga inaalihan ng demonyo, at nagkatipon ang buong bayan sa may pintuan ng bahay. Pinagaling niya ang maraming maysakit, anuman ang kanilang karamdaman at nagpalayas siya ng mga demonyo. Hindi niya hinayaang magsalita ang mga ito, sapagkat alam nila kung sino siya.
Madaling-araw pa’y bumangon na si Hesus at nagtungo sa ilang na pook at nanalangin. Hinanap siya ni Simon at kanyang mga kasama. Nang siya ay matagpuan, sinabi nila, “Hinahanap po kayo ng lahat.” Ngunit sinabi ni Hesus, “Kailangang pumunta rin naman tayo sa mga kalapit-bayan upang makaparangal ako roon – ito ang dahilan ng pag-alis ko sa Capernaum.” At nilibot niya ang buong Galilea, na nangangaral sa mga sinagoga at nagpapalayas ng mga demonyo.
0 Comments