UNANG PAGBASA
Pagbasa mula sa unang aklat ni Samuel (1 Samuel 4, 1-11)
Dumating ang araw na nagdigmaan ang mga Israelita at ang mga Filisteo. Sa Ebenezer nagkampo ang mga Israelita at sa Afec naman ang mga Filisteo. Sa kanilang paglalaban, natalo ang Israel at may apat-na-libo ang napatay sa kanila. Nang makaurong na sila sa kanilang kampo, nagtanungan ang matatanda ng Israel, “Bakit kaya pinabayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Ang mabuti’y kunin natin sa Silo ang Kaban ng Tipan. Baka kung nasa atin iyon ay iligtas tayo ng Panginoon sa ating mga kaaway.” At kinuha nga nila sa Silo ang Kaban ng Tipan at sumama naman ang dalawang anak ni Eli, sina Ofni at Finees.
Ang mga Israelita’y napasigaw sa tuwa nang idating sa kanilang kampo ang Kaban ng Tipan; umalingawngaw sa palibot ang kanilang sigawan. Nang marinig ito ng mga Filisteo, itinanong nila, “Bakit kaya nagkakaingay ang mga Hebreo?”
Nang malaman nilang nasa kampo ng mga Israelita ang Kaban ng Tipan, nasindak sila. Inisip nilang may dumating na diyos sa kampo ng mga Israelita. Kaya nasabi nila, “Ano ngayon ang mangyayari sa atin? Ngayon pa lamang tayo makararanas ng matinding kasawian! Ano ngayon ang mangyayari sa atin? Sino ngayon ang makapagliligtas sa atin sa mga diyos nilang makapangyarihan? Ito ang mga diyos na nagpahirap sa mga Egipcio sa pamamagitan ng iba’t ibang salot. Mga kababayan, lakasan natin ang ating loob. Magpakalalaki tayo upang hindi tayo malupig at maalipin ng mga Hebreo, tulad ng pang-aalipin natin sa kanila. Lumaban tayo.”
Muling naglaban ang mga Filisteo at ang Israelita at nalupig na naman ang mga taga-Israel. Ang napatay sa kanila ay tatlumpunlibo at nagkanya-kanyang takas papauwi ang mga natira. Ang Kaban ng Diyos ay kinuha ng mga Filisteo at pinatay sina Ofni at Finees.
SALMONG TUGUNAN
Poon, kami’y ‘yong iligtas, pag-ibig mo’y di kukupas. (Salmo 43, 10-11. 14-15. 24-25)
Ngayo’y iyong itinakwil, kaya kami ay nalupig,
hukbo nami’y binayaa’t hindi mo na tinangkilik;
binayaan mo nga kami kaya kami ay tumakas;
lahat naming naiwanan ay sinamsam nilang lahat.
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
‘Sa sinapit naming ito, mga Hentil ay nagtawa,
inuuyam kaming lagi, kami’y iniinis nila.
Pati bansang walang Diyos, sa gitna ng sanlibutan,
sa nangyari’y umiiling bilang tanda ng pag-uyam.
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
Kami’y huwag mong pagkublihan,
huwag magtago sa amin,
Ang pangamba nami’t hirap ay huwag mong lilimutin.
Poon, kami’y ‘yong iligtas,
pag-ibig mo’y di kukupas.
MABUTING BALITA
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Marcos (Marcos 1, 40-45)
Noong panahong iyon, may isang ketonging lumapit kay Hesus, nanikluhod at nagmakaawa: “Kung ibig po ninyo’y mapagagaling ninyo ako.” Nahabag si Hesus at hinipo siya, sabay ang wika, “Ibig ko. Gumaling ka!” Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Hesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: “Huwag mong sasabihin ito kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na.” Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupat hindi na hayagang makapasok ng bayan si Hesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.
0 Comments