“O Mahal na Ina ng Diyos, lumalapit kami sa iyong kalinga.” Habang sinasambit namin ang bawat kataga ng awiting ito na daang taon nang dinarasal ng Simbahan ni Kristo, humaharap kami sa iyo, aming Kalinis-linisang Ina. Kami na bumubuo ng “Katawan ni Kristo” sa bayang ito ay naghahayag sa mga salitang ito ng aming Pagtatalaga at Paghahabilin, kung saan napapaloob, una sa lahat, ang pag-asa at agam-agam ng sambayanang Pilipino sa kasalukuyan.
O Ina ng sambayanang nagagalak na tawaging “pueblo amante de Maria,” bayang sumisinta kay Maria, batid mo ang lahat ng aming mga pagdurusa at pag-asa. Natatanto mo bilang Ina ang mga tunggalian sa pagitan ng kabutihan at kasamaan, ng liwanag at kadiliman, na ngayon ay hinaharap ng daigdig. O Ina ng aming bansa, dinggin mo ang aming hibik na tahasan naming inihahatid sa iyong puso bunsod ng Banal na Espiritu.
Yapusin mo nang may pagmamahal ng Ina at Lingkod ng Panginoon, ang aming sambayanan at bansa, na ngayon ay ipinagkakatiwala at itinatalaga namin sa iyo, dahil hangad namin sa bawat isa at sa buong sambayanan ang isang mabuting buhay sa kasalukuyan at ang pagkakamit ng buhay na walang hanggan. “O Mahal na Ina ng Diyos, lumalapit kami sa iyong kalinga; huwag mo nawang tanggihan ang aming mga kahilingan sa aming pangangailangan.”
Mula sa pagkamuhi, karahasan, mga paglalaban-labang naghahati at sumisira sa aming bayan, ipag-adya mo kami. Mula sa paglabag sa buhay ng tao, lalo na sa buhay sa sinapupunan, ipag-adya mo kami. Mula sa paglapastangan sa karangalan ng mga anak ng Diyos, ipag-adya mo kami. Mula sa lahat ng uri ng kawalan ng katarungan sa lipunan, ipag-adya mo kami. Mula sa kahandaang labagin ang mga Utos ng Diyos, ipag-adya mo kami. Mula sa kawalan ng pang-unawa sa mabuti at masama, ipag-adya mo kami. Mula sa kasalanan laban sa banal na Espiritu, ipag-adya mo kami.
Hibik nami’y pakinggan, O Mahal na Ina ni Kristo, lakip nito ang aming pag-asa at mga pasanin, ang mga paghihirap ng bawat isa at ng buong bayan. Ipakita mong muli sa amin, sa kasaysayan namin bilang isang bayan, ang walang hanggang kapangyarihan ng Pagliligtas, ang kapangyarihan ng maawaing pag-ibig. Puksain nawa nito ang kapangyarihan ng kasalanan at kasamaan sa amin! Baguhin nawa nito ang mga budhi ng bawat isa.
O Maria, Ina ni Hesus at aming ina, ikaw ang aming buhay, aming katamisan at aming pag-asa. Amen.
Tayo ang Pueblo Amante de Maria.
Mahal na Birheng Maria ng Inmaculada Concepcion, ipanalangin mo kami at ang sambayanang Pilipino!
0 Comments