Ika-5 Araw ng Pagdiriwang sa Pasko ng Pagsilang | Disyembre 29, 2021

 

UNANG PAGBASA

Pagbasa mula sa unang sulat ni Apostol San Juan (1 Juan 2, 3-11)

Minamahal kong mga kapatid, nakatitiyak tayong nakikilala natin ang Diyos kung sinusunod natin ang kanyang mga utos. Ang nagsasabing, “Nakikilala ko siya,” ngunit sumusuway naman sa kanyang mga utos ay sinungaling, at wala sa kanya ang katotohanan. Ngunit ang tumutupad sa salita ng Diyos ay umiibig sa kanya nang wagas. Ganito natin nalalamang tayo’y nasa kanya. Ang nagsasabing nananatili siya sa Diyos ay dapat mamuhay tulad ng pagkapamuhay ni Hesukristo.

Mga minamahal, hindi isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo, kundi ang dating utos na nasa inyo na sa simula pa. Ito’y ang salitang narinig na ninyo. Gayunman, maituturing na isang bagong utos ang isinusulat ko sa inyo. Bago, sapagkat napapawi na ng kadiliman at lumiliwanag na ang tunay na ilaw. Ang katotohanan nito’y nasaksihan sa buhay ni Kristo at nakikita rin sa atin.

Ang nagsasabing siya’y nasa liwanag ngunit napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Ang umiibig sa kanyang kapatid ay nananatili sa liwanag, at walang panganib na mabulid siya sa kasalanan. Ngunit ang napopoot sa kanyang kapatid ay nasa kadiliman pa. Lumalakad siya sa kadiliman at hindi nalalaman ang kanyang patutunguhan, sapagkat binulag siya ng kadiliman.



SALMONG TUGUNAN

Magalak ang kalangitan, at daigdig ay magdiwang. (Salmo 95, 1-2a. 2b-3, 5b-6)

Purihin ang Panginoon, awitan ng bagong awit;
Panginoo’y papurihan nitong lahat sa daigdig!
Awitan ang Panginoon, ngalan niya’y sakdal rikit.

Magalak ang kalangitan,
at daigdig ay magdiwang.

Araw-araw ang ginawang pagliligtas ay ilathala.
Kahit saa’y ipahayag na ang Poon ay dakila,
sa madla ay ipahayag ang dakila niyang gawa.

Magalak ang kalangitan,
at daigdig ay magdiwang.

Panginoon ang may likha ng buong sangkalangitan.
Naliligid siyang lagi ng dangal at kabanalan,
ang lubos n’yang kagandahan ay sa templo mamamasdan.

Magalak ang kalangitan,
at daigdig ay magdiwang.



MABUTING BALITA

Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Lucas (Lucas 2, 22-35)

Noong dumating ang araw ng paglilinis sa kanila, ayon sa kautusan ni Moises, ang mga magulang ni Hesus ay pumunta sa Jerusalem. Dala nila ang sanggol upang iharap sa Panginoon, sapagkat ayon sa Kautusan, “Ang bawat panganay na lalaki ay nakatalaga sa Panginoon.” At naghandog sila, ayon sa hinihingi ng Kautusan ng Panginoon: “Mag-asawang batu-bato o dalawang inakay na kalapati.”

May isang tao noon sa Jerusalem, ang pangala’y Simeon. Matapat at malapit sa Diyos ang lalaking ito at naghihintay sa katubusan ng Israel. Sumasakanya ang Espiritu Santo na nagpahayag sa kanya na hindi siya mamamatay hangga’t hindi niya nakikita ang Mesias na ipinangako ng Panginoon. Sa patnubay ng Espiritu, pumasok siya sa templo. At nang dalhin doon ng kanyang mga magulang ang sanggol na si Hesus upang gawin ang hinihingi ng Kautusan, siya’y kinalong ni Simeon. Ito’y nagpuri sa Diyos, na ang wika,
“Kunin mo na, Panginoon, ang iyong abang alipin,
ayon sa iyong pangako,
yamang nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
na inihanda mo para sa lahat ng bansa:
Liwanag itong tatanglaw sa mga Hentil,
at magbibigay-karangalan sa iyong bayang Israel.”
Namangha ang ama’t ina ng sanggol dahil sa sinabi ni Simeon tungkol sa kanya. Binasbasan sila ni Simeon, at sinabi kay Maria, “Tandaan mo, ang batang ito’y nakatalaga sa ikapapahamak o ikaliligtas ng marami sa Israel, isang tanda mula Diyos ngunit hahamakin ng marami kaya’t mahahayag ang kanilang iniisip. Dahil diyan, ang puso mo’y para na ring tinarakan ng isang balaraw.”


Post a Comment

0 Comments