Dakilang Kapistahan ng Pasko ng Pagsilang ng Panginoon | Disyembre 25, 2021


UNANG PAGBASA

Pagbasa mula sa aklat ni propeta Isaias (Isaias 52, 7-10)

Magmula sa bundok, O kay gandang masdan
ng sugong dumarating upang ipahayag
ang magandang balita ng kapayapaan.
Ipapahayag niya ang tagumpay
at sasabihin:
“Sion, ang Diyos mo ay hari.”
Narito! Sisigaw ang nagbabantay,
dahilan sa galak, sama-sama silang aawit;
makikita nila ang Panginoon sa Sion ay babalik,
Magsiawit kayo, mga guhong muog nitong Jerusalem;
pagkat ang hinirang ng Diyos na Panginoon
ay kanyang inaliw,
tinubos na niya itong Jerusalem.
Sa lahat ng bansa,
ang kamay ng Poon na tanda ng lakas
ay makikita ng mga nilalang, at ang pagliligtas
nitong ating Diyos tiyak na mahahayag.



SALMONG TUGUNAN

Salmo 97, 1. 2-3ab. 3kd-4. 5-6 | Kahit saa’y namamalas tagumpay ng Nagliligtas.

Umawit ng bagong awit at sa Poon ay ialay,
pagkat yaong ginawa n’ya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at taglay na kabanalan,
walang hirap na natamo yaong hangad na tagumpay.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Ang tagumpay niyang ito’y siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa’y nahayag ang pagliligtas.
Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay namalas!
Magkaingay na may galak, yaong lahat sa daigdig;
ang Poon ay buong galak na purihin sa pag-awit!

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.

Sa saliw ng mga lira iparinig yaong tugtog,
at ang Poon ay purihin ng tugtuging maalindog.
Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ng Poon na ating hari.

Kahit saa’y namamalas
tagumpay ng Nagliligtas.



IKALAWANG PAGBASA

Pagbasa mula sa sulat sa mga Hebreo (Hebreo 1, 1-6)

Noong una, nagsalita ang Diyos sa ating mga ninuno sa iba’t ibang panahon at sa iba’t ibang paraan sa pamamagitan ng mga propeta. Ngunit ngayon, siya’y nagsalita sa atin sa pamamagitan ng kanyang Anak. Sa pamamagitan ng Anak ay nilikha ng Diyos ang sansinukob at siya ang itinalaga niyang magmay-ari ng lahat ng bagay. Ang Anak ang maningning na sinag ng Diyos, sapagkat kung ano ang Diyos ay gayun din ang Anak. Siya ang nag-iingat sa sansinukob sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang salita. Pagkatapos niyang linisin tayo sa ating mga kasalanan, siya’y lumuklok sa kanan ng Diyos, ang makapangyarihan sa lahat.

At kung paanong higit na di-hamak ang pangalang ibinigay ng Diyos sa Anak, gayun din, siya’y higit na di-hamak sa mga anghel. Sapagkat hindi kailanman sinabi ng Diyos sa sinumang anghel,

“Ikaw ang aking Anak!
Ako ang iyong Ama.”
Ni hindi rin niya sinabi sa kaninuman sa mga anghel,
“Ako’y magiging kanyang Ama,
at siya’y magiging Anak ko.”
At nang susuguin na ng Diyos ang kanyang bugtong na Anak sa sanlibutan ay sinabi niya,
“Dapat siyang sambahin ng lahat ng anghel ng Diyos.”



MABUTING BALITA

Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (Juan 1, 1-18)

Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.

Sinugo ng Diyos ang isang tao na nagngangalang Juan. Naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw at manalig sa ilaw ang lahat dahil sa patotoo niya. Hindi siya ang ilaw kundi naparito siya upang magpatotoo tungkol sa ilaw. Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.

Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.

Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.

Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya. At ganito ang kanyang sigaw, “Siya ang tinutukoy ko nang aking sabihin, ‘Ang darating na kasunod ko’y higit sa akin, sapagkat siya’y siya na bago pa ako ipanganak.’”

Dahil sa siya’y puspos ng pag-ibig, tayong lahat ay tumanggap mula sa kanya ng abut-abot na kaloob. Sapagkat ibinigay ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises ngunit ang pag-ibig at ang katotohanan ay dumating sa pamamagitan ni Hesukristo. Kailanma’y walang nakakita sa Diyos, subalit ipinakilala siyang bugtong na Anak – siya’y Diyos – na lubos na minamahal ng Ama.



o kaya: Maikling Pagbasa

Ang simula ng Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Juan (Juan 1, 1-5. 9-14)

Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos. Kasama na siya ng Diyos sa pasimula pa. Sa pamamagitan niya nilikha ang lahat ng bagay, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. Mula sa kanya ang buhay, at ang buhay ay siyang ilaw ng sangkatauhan. Nagliliwanag sa kadiliman ang ilaw, at hindi ito kailanman nagapi ng kadiliman.

Ang tunay na ilaw na tumatanglaw sa lahat ng tao ay dumarating sa sanlibutan.

Nasa sanlibutan ang Salita. Nilikha ang sanlibutan sa pamamagitan niya ngunit hindi siya nakilala ng sanlibutan. Naparito siya sa kanyang bayan ngunit hindi siya tinanggap ng kanyang mga kababayan. Ngunit ang lahat ng tumanggap at nanalig sa kanya ay pinagkalooban niya ng karapatang maging anak ng Diyos. Sila nga’y naging anak ng Diyos, hindi dahil sa isinilang sila ayon sa kalikasan, ni sa pita ng laman o sa kagagawan ng tao. Ang pagiging anak nila ay buhat sa Diyos.

Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin. Nakita namin ang kanyang kapangyarihan at kadakilaan, puspos ng pag-ibig at katapatan. Tinanggap niya mula sa Ama ang kapangyarihan at kadakilaang ito bilang bugtong na Anak.


 

Post a Comment

0 Comments