Ika-3 Linggo sa Karaniwang Panahon (A)
Ang Mabuting Balita ng Panginoon ayon kay San Mateo 4, 12-23
Noong panahong iyon, nabalitaan ni Hesus na ibinilanggo si Juan, kaya’t bumalik siya sa Galilea. Ngunit hindi na siya sa Nazaret nanirahan kundi sa Capernaum. Ang bayang ito ay nasa baybayin ng Lawa ng Galilea, sa mga hangganan ng Zabulon at Neftali. Sa gayo’y natupad ang sinabi ni Propeta Isaias:
“Ang lupain ng Zabulon at lupain ng Neftali
daanan sa gawing dagat sa ibayo ng Jordan,
Galilea ng mga Hentil!
Itong bayang nag-apuhap sa gitna ng kadiliman
sa wakas ay nakakita ng maningning niyang ilaw!
Liwanag na taglay nito’y siya ngayong tumatanglaw
sa lahat ng nalugami sa lilim ng kamatayan!”
Magmula noon ay nangaral na si Hesus. Ang sabi niya, “Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan, sapagkat malapit nang maghari ang Diyos.”
Sa paglalakad ni Hesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang dalawang mangingisda, si Simon na tinatawag na Pedro, at ang kapatid niyang si Andres. Sila’y naghahagis ng lambat. Tinawag din sila ni Hesus. Agad nilang iniwan ang bangka at ang kanilang ama, at sumunod kay Hesus.
Nilibot ni Hesus ang buong Galilea. Nagtuturo sa mga sinagoga at ipinangangaral ang Mabuting Balita tungkol sa paghahari ng Diyos. Pinagaling din niya ang mga tao sa kanilang mga sakit at karamdaman.
0 Comments